
Marahil isa sa mga popular na kasabihan ay ang “Time is gold” o ang oras ay ginto. Ngunit ano nga ba ang kahulugan at kahalagahan nito sa pang-araw-araw na pamumuhay ng isang tao? Tulad ng ginto, ang bawat oras na lumilipas ay mahalaga kung kaya’t importante na magamit ito nang produktibo at wastong paraan. Hindi maaring maibalik ang oras kaya dapat hindi ito aksayahin sa mga walang kakuwenta-kwentang bagay; bagkus dapat ilaan ito sa makabuluhan at kapaki-pakinabang na gawain.
Datapwa’t ganito ang ninanais, sa panahon ngayon, isa sa mga nagdudulot ng pagkasayang ng oras ng ating mga kababayang Pilipino ay ang malala at matinding trapiko sa lungsod ng Maynila. Sa halip na maaga silang makarating sa kani-kanilang destinasyon at masimulan ang kanilang gawain, mahabang oras ang nagugugol sa pagkaipit sa trapiko, at nagdudulot ng pagkalugi o hindi kaya pagkahuli sa mga kanikanilang tungkulin sa araw.

Wala nang pinipiling lugar o oras ang lumalalang trapiko sa Pilipinas. Mula pagpasok sa trabaho o eskwelahan hanggang sa pag-uwi, kalbaryo ito ng marami sa ating mga kababayan Pilipino. Sa katunayan, nabansagan na ang Pilipinas, partikular sa Maynila bilang pangatlong lungsod na may “worst traffic” sa buong Timog-silangang Asya batay sa isang sarbey na isinagawa ng Boston Consulting Group (BCG). Nakasaad din dito na halos 66 na minuto ang ginugugol ng mga motorista at mga pasehero araw-araw sa trapiko. (Rappler.com, 2017)
Malaking suliranin at abala ang mabigat na trapiko sa lungsod ng Maynila lalo na sa mga estudyante at empleyado. Halimbawa na lamang sa España Boulevard na isa sa mga kilalang kalsada na malapit sa Unibersidad ng Santo Tomas (UST), na kinikilala bilang isa sa mga traffic choke points sa Maynila ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) (Frialde, 2016).
Ano na nga ba ang kondisyon ng trapiko sa España at ano-ano ang mga sanhi at epekto nito sa mga mag-aaral at pakultad na bumabiyahe araw-araw sa UST? At sa huli, ano ba ang mga posibleng solusyon upang mabawasan o malutasan ang trapiko sa España?
Karagdagang Impormasyon:
FEATURE Traffic jams: The silent killer
‘Metro Manila traffic at standstill in 5 years’
Metro Manila has 3rd worst traffic in Southeast Asia – study

Mga Sanhi ng Trapiko
1. Walang Disiplina
Ang pangunahing dahilan kung bakit malala ang kondisyon ng trapiko sa Maynila, partikular sa lugar na ito (España) ay dahil sa matinding kakulangan sa disiplina ng mga tao sa daan (Gunnacao, 2015). Marami sa mga motorista ang hindi sumusunod sa batas trapiko. Ang ilang halibawa na lamang ay: maraming humihinto sa no loading and unloading na lugar, may mga gumagawa ng counterflowing o ang pagmamaneho na pasalubong sa trapiko, may mga gumagamit ng kanilang mga gadyet habang nagmamaneho, may mga nagyu-u-turn sa no u-turn zone, maraming nagbubulag-bulagan kapag nakikita ang traffic light, may nagpa-park sa no parking zone at marami pang iba.

Ang mga pedestrian at mga komyuter ay makikita rin ng matinding kawalan ng disiplina. May mga pedestrian na walang habas na tumatawid sa hindi tamang tawiran (Botones, 2018). Marami ang mga gumagawa ng jaywalking, tumatawid nang hindi tinitingnan ang traffic light, at marami pang iba. Ang hindi pagsunod sa mga batas trapiko ay dapat nang mabago dahil marami itong negatibong naidudulot. Marami na ang kaso ng aksidente sa daan dahil sa kakulangan sa disiplina ng mga mamamayan.
2. Road Illiteracy
Sanhi rin ng trapiko ang road illiteracy o ang kakulangan ng sapat na kaalaman ng mga drayber ng mga pampubliko at pribadong sasakyan (Abracosa, Anunciacion, Barcebal, Barza & Viudez, 2009). Maraming mga drayber ang hindi alam ang tamang kahulugan ng mga road signs at mga tamang daan sa mga lugar. Nangyayari ito dahil aminin man natin o hindi, laganap ang mga fixers sa Land Transportation Office (LTO). May pagsusulit na ibinibigay sa mga gustong kumuha ng lisensya sa pagmamaneho upang masiguro na alam nila lahat ng dapat malaman tungkol sa batas trapiko at iba pang importanteng bagay sa daan. Ibinibigay ito upang masiguro na ang iisyuhan ng lisensya ay magiging isang responsableng motorista.
“Don’t learn the traffic rules by accident” – Anonymous
Ngunit, dahil sa mga fixers na binabayaran ng ekstra upang sagutan na ang pagsusulit ng buo para siguradong pasado at maiisyuhan ng lisensya ang kliyente, nawawala ang layunin nito. Ibinibigay na ang mga sagot para pumasa ang tao sa exam (Gunnacao, 2015). Mali ang gawaing ito dahil lalong lumalaki ang bilang ng mga motoristang iresponsable.

3. Paglago ng Ekonomiya
Isa pa sa mga dahilan ng malalang kondisyon ng trapiko ay ang economic boom o paglago ng ekonomiya sa Pilipinas kung saan dumarami na ang mga Pilipinong may kakayahang bumili ng mga sasakyan na nagdudulot ng pagdami nito sa daan (Villar, 2017). Kasama rin sa mga sanhi ang pagkakasabay-sabay ng time schedule ng mga nagtatrabaho, mag-aaral at mga mamimili. Dahil maraming paaralan at komersyal na gusali malapit sa España, maraming tao ang sabay-sabay na nagdadala ng kani-kanilang mga sasakyan at nagkokomyut na dumadaan sa lugar na ito na nagdudulot ng mabagal na pag-usad ng trapiko.

4. Pagbaha
Kilala ang España sa mabilis at matinding pagbabaha na nangyayari dito na nagiging sanhi rin ng mabigat na daloy ng trapiko. Maraming mga sasakyan ang tumitirik sa lugar na ito kapag baha (David, 2018). Kaya kapag ganito ang sitwasyon, maraming sasakyan ang umaatras at nag-iiba ng direksyon upang makaiwas sa baha na nagiging dahilan ng malalang trapiko sa lugar.

Karagdagang impormasyon:
What causes Metro Manila traffic gridlock?
Lack of discipline, car volume blamed for Metro Manila road congestion
Analyzing Metro Manila’s traffic problem
Mga Bunga ng Trapiko
Ang trapiko sa ating bansa ay isa sa mga napakaraming suliraning panlipunan na nararapat pagtuunan ng maraming atensyon. Subalit sa maraming taon na ganito ang sitwasyon, tila imposible na raw na hanapan pa ng solusyon ang problemang ito. Tulad ng mga nabanggit sa unang talata, ang trapiko ay bunga ng iba’t ibang kadahilanan tulad ng pagkawala ng disiplina ng mga motorista, road illiteracy at iba pa. Kung ating iisipin, ano nga ba ang epekto ng trapiko sa ating mga Pilipino?

Una sa lahat, ang mga motorista na walang disiplina ang nagdudulot ng trapiko sa daan kaya ito’y nagbubunga ng mga away, aksidente at iba pang mga aberya. Ang bunga ng balakid na ito ay maraming tao ang nasasayang ang oras sa biyahe kaya’t ang iba sa ating mga kababayan ay mahuhuli sa paaralan o sa trabaho. Minsan pa nga’y nagdudulot ng karahasan ang mga away sa daan. Ang ilan pa sa mga motorista ay hindi sumusunod sa batas kaya’t may mga pagkakataon na nasasayang lamang ang naiisip na solusyon ng ating gobyerno kung talagang walang disiplina ang mga motorista.

Pangalawa, tunay na isa rin sa mga sanhi ng trapiko ang road illiteracy at ang bunga nito ay pagkawala ng maayos at patuloy na daloy ng trapiko. Hindi natin maipagkakaila na maraming motorista ang hindi sapat ang kaalaman tungkol sa mga iba’t ibang patakaran sa pagmamaneho.
Hindi rin biro ang epekto ng trapiko sa ekonomiya ng Pilipinas. Ayon sa ulat ng Japan International Cooperation Agency (JICA) at National Economic Development Authority (NEDA) na kasanga nito, nasabing 2.4 bilyong piso kada araw ang nawawala sa bansa dulot ng matinding trapiko noong 2014. At tinatayang 3.5 bilyong piso kada araw o 1.2 trilyong piso kada taon ang mawawala sa ekonomiya pagdating ng 2017 kapag hindi pa ito nalutasan. (Suansing, 2017).
Alam nating lahat na wala tayong magagawa kapag tayo’y naipit na sa trapiko lalo na kung hinahabol natin ang oras ng pagpasok sa trabaho. Sinasabi ng mga kompanya na nababawasan na ang pagiging produktibo ng mga manggagawa dahil nababawasan ang oras ng kanilang nakalaan na working hours. Madalas ay idinadahilan daw ang daloy ng mga sasakyan kaya’t sila ay nahuli sa trabaho, at kaya rin maraming negosyante ang nalulugi. Ang trapiko ay nagpapataas din ng presyo ng bilihin dahil ipinapasa lamang ng mga negosyante sa mga mamimili ang dagdag na singil dahil sa tumataas na gastos sa logistics dahil sa traffic. (Siy, 2017)
Isa pang bunga ng suliraning ito ay ang masamang epekto ng trapiko sa kalusugan. Sa dami ng mga sasakyan na bumubuga ng maiitim na usok at sa dami ng mga taong sumasakay sa pampublikong transportasyon at nararanasan ito araw-araw, hindi malabo na tumaas ang mga kaso ng mga Pilipino na nakararanas ng sakit sa baga, kanser, epekto sa pag-iisip, altapresyon, at kakulangan ng tamang nutrisyon. Hindi lamang iyon, kakaiba at matinding stress din ang dulot ng trapiko sa mga tao.

Marahil nasasanay na ang mga Pilipino sa araw-araw na sitwasyon kung saan sinasabak nila ang trapiko ngunit hindi ibig sabihin nito na dapat ay ipagsawalang bahala na lamang ito. Napakahalaga pa rin na ito ay hanapan ng solusyon at dapat ay ipatupad ang istriktong disiplina sa ating mga sarili bilang isang mamamayan at bilang isang motorista.
Karagdagang impormasyon:
PH loses ₱3.5B a day due to Metro Manila traffic – JICA
Stress, pollution, fatigue: How traffic jams affect your health
‘Traffic congestion affecting public’s productivity, health’
Mga Posibleng Solusyon sa Trapiko

Matagal nang pinoproblema ng mga Pilipino ang matinding trapiko sa Metro Manila; subalit, sa pagkalipas ng ilang taon, hindi pa rin ito nabibigyan ng solusyon at kasalukuyan pa rin itong pinoproblema ng gobyerno at ng mga mamamayan. Maari itong iugnay sa samo’t-saring sanhi katulad na lamang ng mga nabanggit sa unang bahagi ng sanaysay na ito. Karaniwang mapapansin ang mga natukoy na mga sanhi sa ilang kilalang daanan, katulad na lamang ng España. Bagama’t ganito ang sitwasyon, marami ng mga pag-aaral at artikulo na nagsasaad na maaari pang bigyan ng solusyon ang kalagayan ng trapiko. Ilan sa mga halimbawa ang pagiging isang disiplinadong mamamayan, pagpapatupad ng mga batas na magbibigay o magdidikta ng oras na maaring pumasada o bumiyahe ang mga trak at bus, at ang pagpapatupad ng city o road planning (Aguila, 2014).

Ang isa sa mga pangunahing sanhi ng trapiko sa España ay ang kakulangan ng disiplina sa mga mamamayan, particular na ang mga pedestrian, drayber ng pampubliko o pribadong sasakyan. Dagdag pa rito, upang hindi na makadulot ng trapiko ang mga nagwawalang bahalang mga nagpapamasada, kailangan muna nilang dumaan sa proseso ng LTO kung saan isinasagawa ang mga driving tests upang makakuha sila ng lisensya. Ang mga prosesong ito ay dapat higpitan at bigyan ng halaga dahil kadalasan sa mga aksidente na nagreresulta sa trapiko ay dahil sa mga humaharurot na mga sasakyang walang disiplina sa daan (Joyas, 2015). Sa banda naman ng responsibilidad ng mga mamamayan, kinakailangan na lahat ay marunong sumunod sa mga patakaran at mga karatula na makikita sa daan. Kapag may nakalagda na “bawal tumawid dito”, dapat nilang sundan upang hindi makasanhi ng trapiko at mga aksidente.

Sa kasalukuyan, mayroon tayong itinatawag na Expanded Unified Vehicle Volume Reduction Program (EUVVRP) o mas kilala bilang color-coding. Ito ay ang pagbabawal ng pagmamasada ng mga kotse sa isang araw base sa huling numero ng kanilang plaka at sa bago ipinatupad ang EUVVRP, maaari lamang pumasada ang mga sasakyan na kasama sa color-coding kapag dumating na ang tinatawag na window-hours. Ang window-hours ay nagsisimula ng 10 a.m. hanggang 3 p.m.. Ayon sa artikulong MMDA mulls revision of number coding scheme to ease traffic (2010), higit na lumalala ang trapiko kapag may window-hours dahil ang karamihan sa mga nagmamaneho ay naghihintay lamang na dumating ang oras na ito upang makapaglakbay o makapagmaneho na muli sa daan. Ito ay nagreresulta sa biglaang pagdami ng mga sasakyan sa mga lansangan na nagdudulot ng matinding trapiko.
Sa kasalukuyan, tinanggal na ang window-hours at hindi na pinapayagang lumabas nang lubos ang mga kotseng kabilang sa color-coding sa mga piling lugar tulad ng España . Kapag ito ay pinagpatuloy sa iba pang mga lugar sa mga syudad ay maaaring bumaba pa ang mga pagkakataon na magkakaroon ng trapiko sa iba’t ibang lugar (Tipan, 2017 & Ubaldo, 2017).
Ang city o urban planning ay nagtutuon ng pansin sa kwalidad ng buhay ng mga mamamayan na naninirahan sa partikular na lungsod, kung kaya’t napakahalaga nito sa pagsulong ng isang bansa. Isinasaalang-alang ng mga nagpaplano ang ilang mga aspekto katulad ng ekonomiya, espasyo o kapaligiran, at transportasyon kapag sila ay nagplaplano sa isang lungsod. Batay kay Palafox, na isang arkitekto, ang Maynila ay halatang may kakulangan sa ganitong pagpaplano kaya naman lumalala ang trapiko (Kritz, 2017).
Ang isang halimbawa ay sa España, kung saan ay napakaraming tindahan at eskwelahan na makikita malapit dito. Bagama’t madaming malalapit na tirahan, maraming empleyado at estudyante na nanggagaling pa sa iba’ibang lungsod na nag-aaral o nagtatrabaho sa lugar, kaya naman ay napipilitan silang mag-commute o gumamit ng sari-sariling kotse, na maaring dumadagdag at magdulot ng malalang trapiko. Ang ilang solusyon na kanyang naibanggit, upang matugunan ang ganitong suliranin ay ang pagpapagawa ng mas maraming pedestrian at pang-bisikletang daanan, ang pagbuo o pagdebelop ng mga komunidad na ang espasyo ay mas mainam na nagagamit (katataman na mga laki), at and mahigpit na pagpapatupad ng mga ideya para sa city planning (istriktong pag-aaproba ng mga building permit (Kritz, 2017).
Ilan lamang ang mga solusyong ito na maaring tumugon sa usad-pagong na kalagayan ng trapiko sa lansangan ng Maynila, Ngunit ang paglutas ng problemang trapiko ay hindi lamang nangangailangan ng iisang solusyon bagkus isang katerbang solusyon upang mapagaan ang daloy ng trapiko sa ating mga daanan.
Sa kabila nito, hindi parin makakamtan ang inaasam na pagbabago sa daloy ng trapiko kung hindi susunod ang mga mamayang Pilipino sa mga batas trapiko. Mababaliwala rin lamang ang lahat ng proyektong imprastraktura ng gobyerno kung ito ay gagamitin sa hindi wastong paraan. Ang susi sa paglutas ng suliraning para sa pangkalahatang kapakinabangan ay sapat na disiplina, suporta at kooperasyon ng bawat mamamayang Pilipino.
Karagdagang Impormasyon:
MMDA to implement traffic-reduction measures
Is Seoul’s ITS system the solution to Metro Manila’s traffic woes?
Urban planning, transport and traffic
Mga Sanggunian
Abracosa, R.J., Anunciacion, S.M, Barcebal, A.J, Barza, P., Viudez, K.G. (2009). Ang Road Illiteracy sa Metro Manila. Nakuha mula sa http://skrapananaliksik.blogspot.com
Aguila, K. (2014). 28 ways to solve the the traffic problems, seriously. Nakuha mula sa https://www.philstar.com/business/motoring/2014/07/09/1343897/28-ways-solve-traffic-problem-seriously
Ang traffic ay nakamamatay (n.d). Nakuha mula sa http://kalusugan.ph/ang-traffic-ay-nakakamatay/
Botones, L. (2018). Simpleng Disiplina. Nakuha mula sa https://remate.ph/2018/07/11/simpleng-disiplina/
Calleja, N. (2014). España traffic to worsen due to flood project-MMDA. Motion Cars Inquirer. Nakuha mula sa https://motioncars.inquirer.net/28684/España -traffic-to-worsen-due-to-flood-project-mmda
Chua, G.(2015). Economic effects of traffic in Metro Manila.Business Mirror. Nakuha mula sa https://businessmirror.com.ph/economic-effects-of-traffic-in-metromanila/
Frialde, M. (2016). Traffic choke points in Metro Manila identified. PhilStar Global. Nakuha mula sa https://www.philstar.com/metro/2016/07/07/1600317/traffic-choke-points-metro-manila-identified
Joyas, J. (2015). Lack of discipline is the main cause of traffic –HPG Chief Gunnacao. Nakuha mula sa https://www.gmanetwork.com/news/news/metro/548047/lack-of-discipline-is-main-cause-of-traffic-hpg-chief-gunnacao/story.
Kritz, B. (2017). H urban planning ‘obsolete’ – Palafox. Nakuha mula sa https://www.manilatimes.net/ph-urban-planning-obsolete-palafox/326743/
Mabagal na trapiko, malaki ang epekto sa ekonomiya at kalusugan. Nakuha mula sa http://filipino.cri.cn/301/2017/12/19/109s153357.htm
Metro Manila has 3rd worst traffic in Southeast Asia – study (2017). Nakuha mula sa https://www.google.com.ph/amp/s/amp.rappler.com/business/190016-metro-manila-traffic-southeast-asia-study-bcg-uber
MMDA mulls revision of number coding scheme to ease traffic. (2010). Nakuha mula sa https://www.topgear.com.ph/news/mmda-mulls-revision-of-number-coding-scheme-to-ease-traffic?ref=article_tag
Tingnan: Baha sa Metro Manila dulot ng biglang pagbuhos ng malakas na ulan (2018). Nakuha mula sa https://news.abs-cbn.com/news/08/04/18/tingnan-baha-sa-metro-manila-dulot-ng-biglang-pagbuhos-ng-malakas-na-ulan
Tipan, E. (2017). Number Coding Decoded: A Beginner’s Guide – Feature Stories. Nakuha mula sa https://www.autoindustriya.com/features/number-coding-decoded-a-beginner-s-guide.html
Ubaldo, C. (2017). New Number Coding Scheme 2018: Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP). Retrieved from https://www.pinoydriver.com/resources/2018-number-coding-scheme-unified-vehicular-volume-reduction-program/
Villar, M. (2017). Analyzing Metro Manila’s traffic problem. Nakuha mula sa https://businessmirror.com.ph/analyzing-metro-manilas-traffic-problem/

